Data Loading...
RETRATISTA Flipbook PDF
RETRATISTA
163 Views
11 Downloads
FLIP PDF 744.78KB
RETRATISTA
Christian Paul I. Camposano
Mga Nilalaman Ipinikit niya ang isang mata Sirkero Bangkero Narsisus Sa Babaeng hindi maiteybol sa Night Shift Aswang Medusa Sa Mata ni Medusa Eros Tse! Saka sinilip ang kanyang Kritisismo Gagamba Himakas Hinahanap Natin ang Ating Umaga Itinapon ko noon ang iyong pangalan Bigat Hinahanap Natin ang Ating Pag-ibig Pagtapos ng Ulan
Mundo sa butas ng karayom Anino Bata(s) Hindi na tayo bata Ito ay Rally Pakikipista Propesiya Pulis Sa Kuwentong Pambata Hinahanap Natin ang Gabing Payapa Diminution Awtopsiya sa Patay na Makata Testimonya
Ipinikit niya ang isang mata
SIRKERO
Tinitimbang ng talampakan ang pagtitiwala ng katawan at saka itinatawid ang agamagam sa kableng pinasayaw ng nanginginig na kalooban. Natuto siyang huwag sukatin ang ibabang tigib sa matalim na mga tingin. Kahit pa akitin ng hiyaw-palakpak-ningning–– hahakbang siya kahit madilim. Masdan siyang nakabukadkad ang bisig at palad: lumalakad na balyan ang buo niyang lawas na pinamumugaran ng uwak ang dibdib na hindi makalipad. Sa bawat salit-salit na hakbang iniuugoy siyang gaya ng duyan. Tahimik na sandali, nagsasagutan–– hanga-takot, takot-hanga, dasal na agad marating ang hantungan.
BANGKERO
Ikaw ang sepulturero ng dagat. Sa malawak na lawas ng nasasalaming langit, na laging binibitak ng mga kilapsaw at binibigyang-pilat ng paulit-ulit mong pagsagwan sa iyong bangka, ay binabasag mo ang katahimikang hindi naaabot ng nagsisigawang lungsod. Narito ang paraiso, ang iniyabang mo sa aming estrangherong nakisuyong ihatid kami sa aming hantungan, at kinawkaw mo ang kumikislap na dagat na gumugunita sa natatangi mong danas. Itinuro mo ang dapat naming saliksikin sa pagkakataong ito. Kailangang iwaksi ang paghinga at saka mo nilundag ang dagat. Hinayaan ang sarili na hilahin pailalim at isinuko ang bigat sa yakap ng tubig. Sa ilang sandali, umahon kang basa na humihingi ng hininga sa hangin, bago mo kami niyaya na magpatihulog at bayaan ang dagat na tabunan kami habang sinisisid ang paraisong makatigil-hininga.
NARSISUS
Ikaw na namangha sa unang sulyap–– Sa maninipis na pilik sa bukana Ng nagkikislapang bughaw na mata; Hindi ka nag-alinlangang lumapit. Sa dampi ng silahis, pinakukurap Ng silaw at nababasag ang pagtitig; Lalo kang naligalig at muli pa’y Lumapit nang lumapit. At nabatobalani ka sa kaibuturan Ng walang kulay na balintataw. (Tulad mo) humihingi ng kasagipan Ang naaaninag na kumakaway. At lumapit ka. Lumapit nang lumapit. Iniaabot ang mga kamay, pagkat napaibig, Ang buong sarili, at nalunod ka... Sa wagas na pag-ibig.
SA BABAENG HINDI MAITEYBOL SA NIGHT SHIFT
Sawa na sa laging sabi: Ihahandog ang sarili. Pagkat tulad lang ng dati, Ang habol ay aking puke! -Kiri
Pinamanhid na marahil ng paulit-ulit Mong pagkakahubad ang iyong balat, Sa gabi-gabi mong pagharap sa amin. Tutok man ang katawan mo ng dilat Na mga mata at liwanag ng ilaw, wala Sa bahid ng mukha mo ang anumang Pagtanggi’t pagsang-ayon, ang hindi Nangangambang pagsuyod ng tinging Humahaplos sa iyong katawan--Lamasin man ng kung sino-sino Ang dibdib mo, sipsipin ang utong mo At dilaan maging ang iyong puke Ng mga mapansamantalang isipan. Ano ba naman sa iyo kung narito ka Sa aming panaginip at wala riyan Sa entablado? Ginawa mo lamang Ang iyong dapat gawin: gumiling, Kumembot, bumukaka, lumiyad, Tumuwad pagkat sa ganito mayroon Kang matatanggap na bayad (walang Bayad ang pagsiping mo sa aming isip). Alam mo, simula nang tumapak ka Sa entabladong iyan, nagmarka na Ang aming maruming isip sa iyong puri.
ASWANG
Biyaya sa akin ang nakasisilaw na sikat ng araw. Gumaganda ako sa bawat paningin ng mga nabulag Kaya’t sinusundan ng mga lalaki na gustong manligaw Hanggang sa maligaw na may pag-aasam na ako’y mabihag. Gumaganda ako sa bawat paningin ng mga nabulag. Ang pagkasariwa ang nakaaakit at nagpaparikit. Hanggang sa maligaw na may pag-aasam na ako’y mabihag At nang mapagbigyan ang tawag ng laman na nagpapasabik. Ang pagkasariwa ang nakaaakit at nagpaparikit. Ang pagkakataong ako’y mapag-isa ang inaabangan At nang mapagbigyan ang tawag ng laman na nagpapasabik. Inaasam-asam na matikman man lang ang sariwang laman. Ang pagkakataong ako’y mapag-isa ang inaabangan (Sa liblib ng lugar ibinubunyag ko ang lihim ng pangil) Inaasam-asam na matikman man lang ang sariwang laman. Hanggang sa maangkin ang buong katawan at maging pagkain. Sa liblib ng lugar ibinubunyag ko ang lihim ng pangil Naghasik ng lagim sa mga nabulag na ubod ng takaw Hanggang sa maangkin ang buong katawan at maging pagkain. Biyaya sa akin ang nakasisilaw na sikat ng araw.
MEDUSA
Umaalingawngaw ang kanyang pagtangis sa loob ng yungib at tanging siya lamang ang nakaririnig ng kanyang hayáw- hayáw sa paligid ng mga batong nakatalukbong. Sumaklolo ang katahimikan at niyakap siya nang walang hanggang dilim. Hanggang dito lamang niya magagawa maging ang lumuha. Nakalagdang halimaw ang pangalan niya–– Medusa. At sa lahat ng mga nagtatangkang mabighani sa isang halimaw na lumuluha, maging bato muna, pagkat ang mga bato lamang ang maaaring sa kanya’y makakita.
SA MATA NI MEDUSA
At dumilat ang mga mata ni Medusa Sa mga binulag ng pag-ibig. Singdilim Ng yungib na nakatitig sa sinumang Tititig. Huwag kang mangangahas Na lumapit at batubalani itong biglang Mang-aakit hanggang sa mahulog ka, At madurog hanggang sa iyong kaibuturan. Tandaan: Dito ka niya mapaghihigantihan. Wala na siyang bayaning pinaniniwalaan. Nagsabato silang lahat matapos siyang saktan.
EROS
Tumatarak nang tumatarak ang túnod sa dibdib ko. At pinagdurugo ako gabi-gabi sa iyong palaging pakikipagniig sa Dilim sa tabi ko. Paano ko magagawang pumayapa’t humimbing at pagkaumaga’y lumimot? Bumulong sa akin ang pagnanasa upang hawiin ang sariling panibugho–– Pag-aarian kita nang buong-buo kahit magkasala. Isa ang malinaw sa akin: Gusto kong maging Dilim at sabihing, narito ako, narito ako, sa akin ka humimpil!
TSE!
Anetch itich frenship na chaka sa fes ko? Tsu tsu? Ganish. Ganern? Kasi baklush ako Jokla. Juding. Chokla? Ay! Kalorkey kayo. Nakachugi ba ‘ko? Adik? Matingera To the highest level? Over na kayo ha! Bebe kaya akish, galing din kay mudra. Devah? Exxag kaya. Pati tsunami walk, Aiko Melendez pa? Akish, no! Si Supsup, Go! Major-major pa. Title. Plak-plak! Kabog! Inesh na mga mhin na juts lang ang malong Na feeling delicious at di naman tweetum Kung makapanlait to death parang lason. Patukso-tukso pa na kadiri kami At operada. Tse! Wala kayong paki, Pabebe man kami kahit pa sa gabi! Kalorkey a! Taruzh! E, knowing ba akish? Judgemental lang ang peg? Me bruthra isn’t a pig! Tsek! Tsek! Tsek! Period! Go! Bread Winneran itesh! Ay! Winner! Planggana! Sa gabi ang rampa! But, no, no, no, Norway di para sa fafa Kundi sa familya ang kinitang anda! Pangmonumento ba? Dream! Like fafa Andres! Then go! Itayo na ang rebultong baklets. Sa tabi ng lahat ng heroes na super bet! Wiz ko lang, kung keri ng Sandigang Bayan At Simbahan inesh. Pag sa kafatiran Buong Filipinas ang sure na e ayaw.
Charot! but trulala, Laging luzviminda ang manila paper naming mga lola! Pati social media, nang-iitsap’wera! Anetch kami, virus? kumakalat? ganern? Parang computer lang ang Philippines? Tapos, i-quarantine kaming mga bading. Over na over ha, to the highest level! Frend, amiga, utaw, kami rin ay angel. F.Y.I. sa lahat, wiz po kami evil!
Saka sinilip ang kanyang
KRITISISMO
Gusto mong husgahan ang sarili Sa salamin tulad ng ginagawa Ng ibang tumitingin sa iyo. Saan ka magsisimula? Sinasalamin mo ang salaming Sinasalaminan mo.
GAGAMBA
Pinagagapang ko ang gagamba Sa bawat kong daliri. Sinasanay Na tawirin ang bawat puwang Na bingit sa kanyang paghakbang. Inihahanda sa nalalapit na laban Ng kitísan at saputan. Kung mahulog at hindi nagsapot O mahulog sa rupok ng sapot Ng paulit-ulit, at panawan ng lakas Na buhatin ang sariling katawan, Ako ang huli niyang makakalaban. Ako lang.
HIMAKAS
Wala na ang batang nananahan Sa aking loob na malimit katunggali Sa lahat ng pagpapasiya---wala akong Muwang sa kanyang pagkawala. Kailan ako natutong mag-isa sa sandali Na walang sandali ang panaginip? At wala ring sandali ang pag-iisa. Minsan, Umuwi ako sa aming huklubang tahanan, Matang nagliliwanag ang durungawan, Humahalakhak ang bukas na pintuan; Kinakawayan ako ng mga naroroong Anino na mula sa ilawang gasera. Nakapalibot sila kasama ang batang Hinding-hindi na babalik pa sa akin. Panatag. Ngayon ko lamang siya nakita.
HINAHANAP NATIN ANG ATING UMAGA
Pagkat sa ganitong umaga ay mag-isa ako. Pagbubuksan ko ng pinto at bintana ang init Na singaw ng umaga; ang nagsasagutang Sigaw na putang-ina ng mag-asawa sa tapat Ng bahay; ang bulyaw ng ina sa kinukutuhang Anak; ang sintunadong pagbirit ng nagvi-videoke; Ang amok ng mga naipit na sasakyan Sa makipot na daan; ang nagkakapikunang Tuksuhan ng mga batang naghahabulan; At kahit ang maririing pukpok ng martilyo, Ang nilalagaring kahoy at mga paghahalo Ng semento sa ginagawang bahay sa malapit. Pinatutuloy ko sila nang saluhan ako sa hapag Habang humihigop ng mainit-init pang kape. At sa ganitong mga umaga ako madalas.
ITINAPON KO NOON ANG IYONG PANGALAN
Itinapon ko noon ang iyong pangalan kasama ng mga basurang hindi-nabubulok. Sa ilang saglit dumaan ang trak upang hakutin at dinala ito patungo sa bundok-bundok na alaalang sira, lipas at walang pakinabang. Iyon ay kung hindi ito napasama sa kalakal ng mga taong-lansangang nag-uunahang naghahalukay ng mahahalagang-bagay na binasura ng iba. At iyon nga, dumaan ang trak ng basura at binitbit ang itim na plastik na sinilidan ng iyong pangalan. Dinala man kung saan o milya-milya ang pagitan sa akin ay di na nakabalik. Sinimulan kong lumimot. Sinimulan kong hindi lumuha, isang araw, dalawa, tatlo at higit pa, at nalimot ko nga ang iyong pangalan. Ngunit ngayon ay nagbalik ito na basang-basa Matapos ianod ng bahang dulot nang walanghumpay na pag-ulan, kasama nang maraming basura.
BIGAT
Iniukit ko sa mga bato ang lahat–– Pangalan, alaala, pangako. Iba’t ibang hugis, laki at bigat. Iyong kayang maikuyom sa palad. Hindi ko na mabilang sa dami Ang mga batong tinipon, naipon. Isinilid ang lahat sa aking bag. Kay bigat pasanin sa balikat. Kay bigat yakapin sa dibdib. At nang tangkaing bitawan, iwan. Kay gaan, ngunit lalong kay bigat.
HINAHANAP NATIN ANG ATING PAG-IBIG
Hinahanap natin ang ating pag-ibig Sa mga pantasya't mga panaginip. Inaasam-asam kahit na malabong Sa ating mangyari ang nasang pagsuyo. Handang ipaglaban sampu ng kaaway. Wala mang kapalit ang sa 'ting ialay. Kahit pa humadlang ang sino ma't lahat Basta sa sarili'y nagiging matapat. At kahit na mali ay tuloy sa pagtibok Paulit-ulit mang dumanas ng kirot. Hindi paaawat---umibig, masawi, Umibig, maghintay---di man magwagi Lalo't may pag-ibig na hindi darating Kahit pa kay lalim ng ating pagtingin.
PAGTAPOS NG ULAN
Darating din ang kahuliHulihang bigat ng buntongHiningang naipon sa iyong Dibdib upang ipaubaya Sa panahon ng tag-araw. Magbabanyuhay ang lahat Sa paligid mo’t makikilala Ang bagong mundo. At ikaw Ang huling makasasaksi.
Mundo sa butas ng karayom
ANINO
Inaalo ng mga aninong Nagsaibon ang tumatangis Na bata sa harap ng kandila. Lilipad-lipad na pinasusundan Ng tanaw ang tinatawid na rabaw. Dinadagit ang paningin Patungo sa malayong-malayo At saka tuluyang maglalaho. (Sa dilim, maiiwan ang batang Limot ang sugat at namamangha Sa hindi nakikilalang May-ari ng mga palad.)
BATA(S)
Pumirma ang ating paninindigan Sa panig ng naaapi. Tama lang Na panagutin ng ating hinasang Salita at tambangan ng higanti’t Ambahan ng suklam ang batang Nakapagpapapuwing sa mata Ng pinid na batas at ng matatanda. Lagi siyang mananagot saan man Siya makatatagpo. Bitbit natin Ang pagpapasiya. Handang ilatay Sa kanyang mga palad. At wala siyang ibang pagpipilian. Hinding-hindi siya makalalaban.
HINDI NA TAYO BATA
Alalahanin natin ang Emperador ni Anderson Sa mga karatulang iniwan sa tabi ng bangkay At sumang-ayon sa paniniwalang hindi dapat Tularan silang nasusuotan ng damit ng dahas, Silang piniringan ng mata; silang binusalan Ang bibig at iginapos ang mga kamay at paa Bago isilid ang kuyom na katawan sa kahon. Saksing bangkay tayo sa harap nilang bangkay Pagkat napipipi kahit may dapat ipagsigawan. Pagkat nabubulag kahit may dapat na makita. At naiisip na ang utos ng hari ay di mababali. Pagkat nakataga sa karatula ang salita’t babala--Hindi na tayo bata. At nababatid natin Na naroroon lamang ang kaligtasan.
ITO AY RALLY
Dinadalaw ako ng bukas, Ngayong ang antok ay di Dumadalaw. Ilang ulit ba Na kakalabitin ang diwa Ng naratibong likha-likha? Hindi ako magmumulat Upang muling saksihan Ang pag-uulit na pag-usig Ng mga pagbabalatkayo Sa nagliliparang palad–– Kay rurungis at kalyado. Kanina, habang sumisigaw Ng karapatan ang marami, Silang nagwawagayway Ng pahina ng kinabukasan, At silang inakit ng pangako, Binomba sila ng tubig Binura ang nakamarkang Kasaysayan sa dibuho’t Daan. Inimis silang lahat. Tiniyak na walang maiiwan Isa man sa kanila’t salita, Upang muling isalaysay Sa basang-basang kalsada Ang pangako sa bayan.
PAKIKIPISTA
Magandang balita ang inaaligiran at pinagpipistahan ng mga bangaw sa bangketa. Umusyoso tayong muli at sumaksi sa naging alay ngayon na kabaro, kakilala, kaibigan, mahal. May itatanong ka ba sa sariling pinanunuotan ang isip ng nagmamantiyang paniniwala sa sabi-sabi? Maririnig mo ang napakaraming bulong ng mga aninong gumugutay sa kaluluwa–– kriminal, adik, nanlaban. Tandaan: Mabuti at napaslang sila. Mabuti ang pumaslang sa kanila. Mabuti ang pagpaslang. Ulitulitin mo. Hindi ito hipnotismo. At hindi dapat natin kilala si Pavlov. Sanayan lang ito: Animal Instinct gaya ng bangaw na naririto at asong ngayon ay umaalulong sa harap mo. Huwag nating tangisan ang kanilang buhay, sila ang ating katubusan.
PROPESIYA
Ang utos ng hari Pasabugin ang puki–– Ng anak. Ng ina. Ng babae. Kung mauulit Ang madilim na kasaysayan, Mga may puki at may puki Ang higit na titindig at gagapi Sa lahat ng rahas At kalupitan ng ganid Na hari––propesiyang Sa kanya’y magpapabagsak. Magmumula sa puki Ang mga bagong bayani. Kaya ang utos, Pasabugin ang mga puki, Nang wala ng manunubos Na muling isisilang.
PULIS
At natatapos ang lahat Sa paghuhugas ng kamay. Kaya muli mong tititigan ang sarili Sa nanlilimahid na rabaw Ng salamin kung may bahidKriminal o nagmumukhang Kamatayan. Magbubuntonghininga Ang salamin. Anong nagbago, Ang sasabihin nito, gaya ng pangako? Liban sa dumaraming bilang Ng nalalagas at patay (magbubuntonghininga)
Na buhok at tigyawat sa mukha. Mukhang wala naman, ang iisipin mo. At hihilamusan lang ang sarili. At taong muli.
SA KUWENTONG PAMBATA
Una mong pinagsinungalingan Ang sarili. At kinausap ang mga bata Na handang-handang tanggapin Ang salaysay ng mga tunggalian Ng buhay na sa iyo’y minsan mo ring Hinarap. Kilala mo at nakausap Ang sampung pulang langgam. Ang pitong mga anghel at maging Ang mga lumalangoy na pandaka. Pagkat nakapanulay ka kahit Sa hagdang bahaghari, nakasabit Sa dyip bago pa ipagbawal ni Duterte. At saka mo ibubulong: Masarap pa ring Mabuhay, kahit may gaya ninyong Walang muwang na pinapatay.
HINAHANAP NATIN ANG GABING PAYAPA
Hinahanap natin ang gabing payapa. Walang nababaliw na inang kawawa Na inaawitan ang mahal na bunso Sa kanyang kandungang naligo sa dugo. Mga gabing wala ang nagsisitangis Na mga kapatid sa abang sinapit Ng isang kapatid sa kalsadang hubad Sa maraming dahas at batas na huwad. Walang mga ama na naghihimutok. At may ambang sumpang ipagkakaloob. Sa bugtong na anak na biglang pinatay. Handang madungisan ang kalyadong kamay. Kaylan papayapa ang lahat ng gabi Ngayong nilulukob ng mga higanti?
DIMINUTION
Itinuro niya ang kanyang pagmamay-ari–– Iyon. Iyon. Iyon. Iyon at iyon. Ang nagtataasang bundok Ng basura. Isa-isa niyang pinangalanan. Binakuran. Bawal pasukin. Bawal akyatin. Bawal kalkalin. Bawal kumuha ng ano man liban sa pinayagan. Bayad: 50 pesos ang mahuli, Nakasulat sa ginawa niyang Karatula sa ibabaw ng PRIVATE PROPERTY: NO TRESPASSING!
AWTOPSIYA SA PATAY NA MAKATA
Nagpasalin-salin ang pagkabigla Sa balitang patay na ang makata. Pinatahimik, marahil, pagkat wala Ang sana’y dapat nakakabit na dila Na bumibigkas ng mga talinghagang Binubungkal niya at inaani sa lupa. Ang sabi ng iba’y nagsabala ang tula, Sunod-sunod na tumama ang mga salita Sa sabwatang pamahalaa’t may-ari ng lupa. Lumalaban! Hanggang sinapit ng makata Ang kaawa-awang higanti. Di na siya makakatula, Ang buod na nagmula sa pasalin-saling mga dila. Ngunit nang hiwain ang katawan ng makata, Puro tula! at hindi sila halos makapaniwala.
TESTIMONYA Nang kalabitin mo ang gatilyo, Biningi ka ng malalakas na putok. Pinamanhid ang kalyadong palad. Nasinghot ang naiwang usok. At nangasim ang sikmura’t naisuka Ang kaluluwa’t kinain kanina. Nang tanungin kanila Kung anong nangyari, Pumikit ka’t wala kang nakita. Nagdilim ang iyong paningin. Ang sinabi mo. Iginigiit, Wala kang alam sa nangyari.